Pagbabayad ng kontribusyon, pinalawig ng SSS hanggang June 15

Pinalawig ng Social Security System (SSS) ang deadline sa pagbabayad ng contribution payments hanggang June 15.

Sa statement, sinabi ng SSS na ang bagong extension sakop ang pagbabayad ng kontribusyon sa lahat ng household employers, self-employed, voluntary at non-working spouse members para sa unang kwarter ng 2020.

Kasama rin dito ang pagbabayad ng kontribusyon sa lahat ng regular na empleyado para sa Pebrero, Marso, at Abril.


Ang mga employer na may aprubadong installment proposals sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation Program ay bibigyan din hanggang June 15 para magdeposito ng kanilang post-dated checks para sa buwan ng Pebrero, Marso, Abril, at Mayo.

Ayon kay SSS President and CEO Aurora Ignacio, layunin ng extension na bigyan ang mga miyembro at mga employer ng karagdagang panahon para magbayad ng kontribusyon sa harap ng ipinapatupad na restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.

Hinihimok ni Ignacio ang mga miyembro at employer na huwag hintayin ang “last minute” sa pagbabayad ng kanilang kontribusyon.

Maaari ding gumamit ng online at mobile payment facilities maliban sa over-the-counter transactions sa pamamagitan ng SSS branches, at kanilang bank at non-bank partners.

Facebook Comments