Pagbabayad ng P7.5 million blood money sa Kuwait, itinigil – DFA

Inatasan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang Philippine Charge d’ Affaires sa Kuwait na si Mohd Nordin Pedrosina Lomondot na ihinto na ang pagbabayad ng ₱7.5 million na blood money.

Ito ay may kinalaman sa pagkamatay sa isang Pilipinong kasambahay na si Jeanelyn Villavende noong Disyembre 2019.

Lumalabas na inabuso si Villavende ng kanyang employer bago siya namatay.


Noong nakaraang buwan, hinatulan ng Kuwaiti Criminal Court ng parusang kamatayan ang employer ni Villavende.

Sa kanyang tweet, sinabi ni Locsin na dapat tumbasan ng Pilipinas ang ₱7.5 million blood money na inalok sa pamilya ng biktima.

Inatasan din ng kalihim sa Lomondot na tiyaking ipapataw ang death sentence sa employer ng kasambahay.

Dapat ding mag-report si Lomondot sa kanya kung ano ang mga hakbang na gagawin para mahinto ang paglalabas ng blood money.

Hindi na tinukoy ni Locsin kung sino ang mga nasa likod ng pagbabayad ng blood money.

Facebook Comments