Pagbabayad ng PhilHealth ng halos 10 bilyong piso para sa pneumonia claims, dapat ding busisiin

Nais ni Senator Imee Marcos na kasamang mabusisi ng Committee of the Whole ang humigit kumulang 10 bilyong piso na inilalabas ng PhilHealth kada taon para sa pneumonia claims ng mga health care institutions.

Hindi maiwasan ni Marcos na magduda sa malaking pneumonia claims sa PhilHealth na hindi umaayon sa halos 2 bilyong piso na ginagastos ng Department of Health kada taon para sa bakuna kontra pneumonia.

Tinukoy rin ni Marcos na lumabas dati na may sabwatan umano ang mga taga-PhilHealth at mga ospital para sa upcasing o pagpapalala ng simpleng ubo at sipon para palabasin na ito ay pneumonia.


Sinabi ni Marcos, dahil sa nabanggit na modus ay tumataas sa 15,000 hanggang 32,000 pesos ang binabayaran ng PhilHealth para sa pneumonia sa halip na 2 hanggang tatlong libong piso lamang.

May nakuha namang record si Senator Sonny Angara na nagpapakita na 3 bilyong piso lang kada taon ang ibinayad ng PhilHealth sa pneumonia claims mula noong 2009 hanggang 2011.

Pero tumaas ito sa 9.7 billion pesos kada taon mula 2011 hanggang 2015 at tumaas pa sa 10.5 billion pesos kada taon mula 2017 hanggang 2019.

Facebook Comments