Pagbabayad ng PhilHealth ng utang sa mga ospital, hindi na dapat patagalin

Iginiit ni Senator Grace Poe sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na huwag nang patagalin ang pagbabayad sa patong-patong na reimbursement claim ng mga ospital dahil patuloy ang pakikipaglaban ng mga ospital para maprotektahan at mailigtas ang buhay ng mga Pilipino sa gitna ng pandemya.

Ginawa ni Poe ang panawagan kasunod ng paulit-ulit na apela ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) sa PhilHealth na madaliin ang paglabas ng kanilang mga balidong reimbursement claim.

Tinukoy ni Poe ang naunang sinabi ni PHAPi President Jose de Grano na umaabot na sa P26 bilyon hanggang P28 bilyon nitong Disyembre 2020 ang kanilang reimbursement application sa PhilHealth.


Ang naturang halaga ay mula sa 114 hospital-member na nagsumite ng kanilang claim, hiwalay pa dito ang mga private health institution sa labas ng Metro Manila.

Sabi ni Poe, kahit ang mga government COVID-19 frontline institution ay nahihirapan ding kumuha ng kanilang reimbursement claim sa PhilHealth dahil sa document technicalities.

Paalala ni Poe sa pamunuan ng PhilHealth, sa ilalim ng Administrative Order No. 23 na inilabas ng Office of the President noong Pebrero 21, 2020, lahat ng national government agency ay inaatasang bilisan ang pagreporma ng kanilang proseso nang sa gayon ay mawala na ang ‘overregulation’.

Facebook Comments