Nilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi requirement sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) para makakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) ang pagbabayad ng premium contributions.
Nakasaad sa isang probisyon sa implementing rules and regulations ng Universal Health Care (UHC) Law na nire-require ang mga OFW na magbayad ng kontribusyon bago makakuha ng OEC.
Ayon kay PhilHealth President Ricardo Morales, hindi ito ipinapatupad.
Ang hiniling nila sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay tulungan sila na maiparehistro ang mga paalis na OFWs at hindi mangolekta ng premium contribution.
Nais nilang nakarehistro ang mga OFW para malaman ang eksaktong bilang ng Filipino migrant workers na miyembro ng PhilHealth.
Sinisilip na nila na alisin ang probisyong ito sa IRR ng UHC Law.