Inatasan na ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na bilisan ang pagpoproseso ng mga claim at magbigay ng lahat ng posibleng tulong sa mga magsasaka na makabangon mula sa kalamidad.
Paliwanag pa ni Secretary Laurel, tugon ito ng ahensya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tuloy-tuloy na pagtulong sa mga biktima ng dalawang bagyong tumama sa bansa.
Base sa pagtaya ng PCIC, aabot sa P666.7-M ang bayad-pinsala o indemnification sa mga magsasakang naapektuhan ng Bagyong Kristine pa lamang.
Sabi ng DA, ang pinagsamang halaga ay para sa mahigit 86,000 magsasaka sa Gitnang Luzon, Bicol Region, at MIMAROPA.
Dagdag pa ng kalihim na ang mga inaasahang indemnification ay P413.6-M para sa palay, P167.9 million para sa high value crop, habang P27.7 million naman para sa industriya ng pangisdaan.
Sa huling report ng DA, umaabot sa mahigit limang bilyong piso ang pinsala sa sektor ng agrikultura at pangisdaan mula sa sampung rehiyon ng bansa.