Hinamon ni Senator Joel Villanueva ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na patunayang nagbayad sila ng mga mandatory contributions ng kanilang mga empleyado noong 2020.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, tinanong ni Villanueva si Pharmally Chief Executive Huang Tzu Yen kung talagang nagbayad ang kumpanya nila ng mandated contributions tulad ng Social Security System o SSS, Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth at Pag-IBIG ng kanilang pitong full-time na empleyado.
Ayon kay Villanueva, may mga dokumento na nagsasaad na zero payments ang Pharmally sa mga government-mandated contributions ng kanilang mga empleyado.
Binanggit ni Villanueva na ang Pharmally, na ‘platinum’ supplier ang turing ng gobyerno, ay mukhang one-man operation lang.
Ipinaliwanag ni Villanueva na ipinapakita rin ng kakarampot na personnel compensation ng Pharmally na tumatayo ito bilang isang “middle man”.
Ibig sabihin ayon kay Villanueva, walang pag-aari ni-isang makinang panahi ang Pharmally at hindi bumili ng kahit isang yarda ng tela, ngunit kumita lamang bilang isang broker.
Dahil dito ay ikinalungkot ni Villanueva na sa pag-award ng pamahalaan sa malaking kontrata sa Pharmally ay nasayang ang pagkakataon para lumikha ng trabaho para sa mga lokal na manufacturer ng Personal Protective Equipment o PPE.