Pagbabayad sa utang ng bansa, pinapasuspende ng isang senador habang may COVID crisis

Nanawagan si Committee on Economic Affairs Chairpeson Senator Imee Marcos sa gobyerno na pansamantalang suspendihin ang pagbabayad sa mga utang ng bansa.

Layunin nito na magamit ng taongbayan at maging ng mga kumpanyang apektado ng lockdown dahil sa COVID-19 ang pondo pambayad sa utang ng pamahalaan.

Ayon kay Marcos, ang debt moratorium o pansamantalang paghinto sa pagbabayad ay maituturing na pangatlong hakbang na maaaring gawin ng Department of Finance, bukod pa sa budget realignments at international loans.


Tinukoy ni marcos na ang nakalaang pambayad sa interest ng mga utang ng bansa na nakapaloob sa General Appropriations Act of 2020 na aabot sa P451-Billion ay maaaring gamiting cash aid ng gobyerno sa ilalim ng Bayanihan Heal As One Act.

Paliwanag pa ni Marcos, ang nasabing debt moratorium ay alinsunod din sa panawagang international cooperation ng World Economic Forum sa pagresolba sa mga posibleng maging epekto ng COVID-19.

Facebook Comments