Pagbagal ng inflation, positibo para sa ekonomiya ng bansa

Itinuturing ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na positibo para sa ekonomiya ang pagbagal ng inflation.

Sa pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay nasa 4.1% ang inflation rate ng bansa sa buwan ng Hunyo.

Para kay Salceda, positive development ito na makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa ngunit kinakailangang pa ring matugunan ang ilang mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation.


Una aniya rito ay bahagyang mataas pa rin ang 4.1% inflation rate kumpara sa target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nasa 2% hanggang 4%.

Giit ni Salceda, hindi na kakayanin sa ngayon ng bansa ang anumang biglang pagtaas ng contractionary interest rate dahil liliit ang tyansa ng paglago sa gitna ng panahon ng recovery.

Dahil dito, pinaalalahanan ng mambabatas ang publiko na maging alerto sa anumang inflationary factors.

Ilan sa mga ito ang inflation sa food items na nasa 17.2% at transportation partikular sa pamasahe sa tricycle na nasa 20.4% na kahit bahagyang bumaba ay hindi pa rin abot-kaya para sa mga mahihirap na pamilya.

Umapela naman si Salceda sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na kumilos para maibaba na ang inflation sa bansa.

Facebook Comments