Malugod na tinanggap ng Malacañang ang pagbagal ng inflation rate ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, maituturing na ‘positive development’ ang 2.4% August 2020 inflation.
Bunga aniya ito ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya kung saan nakikita ang pagbaba ng presyo ng mga produkto.
Sinabi pa ni Roque na pinakaprayoridad ng pamahalaan na tiyaking matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng global health crisis.
Bahagi ito ng pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang Pilipinong magugutom sa panahon ng pandemya.
Patunay rin ito na epektibo ang mga polisiya at programa ni Pangulong Duterte para sa mga magsasaka at mga mangingisda.
Tiniyak din ng Palasyo na tuluy-tuloy ang galaw ng mga produkto at babantayan ang presyuhan ng basic goods.