Nagpatupad na ng evacuation sa ilang lugar sa Hilagang Luzon dahil sa pagbaha at landslide bunsod ng malalakas na ulan na dulot ng Bagyong Florita.
Batay sa ulat ng provincial disaster officer ng Cagayan, kabilang sa mga binaha ang bayan ng Baggao, Gonzaga at Gattaran.
Sapilitang inilikas ngayong araw ang 36 na pamilya o 103 indibidwal sa Barangay Taytay-Bantay sa Baggao dahil sa dahil sa banta ng landslide.
Inilikas din ang ilang pamilya sa Barangay Bagunot at Bitag Grande dahil sa baha.
Sa ngayon ay hindi na madaanan ang Sippaga Bridge sa Barangay Nangalinan matapos masira ito sa pagragasa ng tubig.
Habang, umapaw rin ang ilog sa Barangay Carupian at lumubog ang ilang taniman ng mais.
Samantala, sa bayan ng Gonzaga ay umabot na hanggang tuhod ang baha sa Barangay Casitan kung saan inilikas ang 49 pamilya sa evacuation center.
Batay sa pinakahuling ulat, mahigit 100 pamilya na ang hinatid sa evacuation centers sa ilang lugar sa mga bayan ng Gonzaga, Gataran, Baggao at Iguig na itinuturing na highly flood-prone areas.
Siniguro naman ni provincial disaster office head Ruelie Rapsing na mahigpit na ipinatutupad ang safety and health protocols sa mga evacuation center para sa kaligtasan laban sa banta ng COVID-19.
Tiniyak rin aniya na may relief goods para sa mga evacuee.
Sa Apayao, nagpatupad na rin ng pre-emptive evacuation sa ilang bayan dahil sa mga banta ng landslide at baha.
Ayon kay Apayao disaster office head Joeffrey Borromeo, mahigit 70 pamilya ang inilikas mula sa mga bayan ng Sta. Marclea at Sta. Luna.
Sa Isabela, inilikas na rin ang mga residenteng nakatira sa coastal areas, habang sa Ilocos Norte ay higit 60 bahay ang lubog sa baha sa bayan ng Pinili.
Inihahanda na ng provincial government ang mga evacuation center at relief goods na ipapamahagi sa mga ililikas at maaapektuhang residente.
Kaugnay nito, sa Laging Handa public press briefing ay tiniyak naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal na handa ang kanilang ahensiya sa posibleng pananalasa ng Bagyong Florita.