Ilang apektadong Dagupeños ang nananawagan ng konkretong solusyon sa naranasang pagbaha sa mga kabahayan.
Nakapanayam ng IFM News Dagupan si Nanay Lydia Cornista, residente ng Brgy. Poblacion Oeste,lagi umanong nalulubog sa baha ang kanilang tahanan tuwing high tide dahil malapit ito sa creek na dinadaluyan ng Pantal River.
Ayon pa kay Cornista, hindi nababaha ang kanilang tahanan nang magsimula silang manirahan sa Dagupan City noong 1969, ngunit sa mga nakalipas na taon, napansin na lamang umano nito ang pagpasok ng tubig sa kanilang bahay tuwing hightide na madalas ay sinasamahan pa ng bagyo.
Dahil dito, apela niya na mapagbigyang makapag- ‘Tabon’ at malagyan ng kaunting hollow blocks upang maitaas ang lebel ng lupa sa kanilang bahay.
Base sa Climate and Ocean Risk Vulnerability Index (CORVI) noong 2023, pasok sa medium-high risk ang Dagupan City matapos makataan ng 8.63 percent na inaasahang pagtaas ng sea water level at 8.24 percent tsansa ng pagbaha sa metro area ng lungsod. Bukod dito, nakita rin na dahilan ang mababang topograpiya ng lungsod at lokasyon nito sa delta ng ilog.
Sa kabila nito, ipinatupad bilang flood mitigation ang road elevation project sa metro area ng lungsod na napapakinabangan na ng mga motorista at residente simula 2024.
Bagaman nagpapatuloy pa ang konstruksyon, ilang Dagupeño ang positibo sa tulong nito sa mga residente tuwing baha tulad na lamang ng katatapos lamang na elebasyon sa dating binabaha na Jovellanos St. sa Downtown area.
Kaugnay nito, nagpapatupad din ng road elevation projects ang Pamahalaang Panglungsod sa mga bahaing barangay sa Dagupan City upang magkaroon ng maayos na daan at drainage system na dadaluyan ng tubig baha. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









