Pinaiimbestigahan na rin ng Senado ang matinding pagbaha sa North Luzon Expressway (NLEX) sa may bahagi ng San Simon, Pampanga.
Sa Senate Resolution 725 ay pinasisilip ni Senator Grace Poe ang pagbaha sa may NLEX dahil sa Bagyong Egay at habagat na nagresulta sa mahabang oras ng trapiko.
Layon ng imbestigasyon na maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap at kung may pagsisikap ba na isinagawa para sa operation at maintenance ng expressway upang sana’y naiwasan ang pagbaha at abala sa mga motorista.
Tinukoy sa resolusyon ang parehong northbound at southbound ng NLEX sa may San Simon sa Pampanga partikular sa Tulaoc bridge na lubog sa baha na nasa 50 sentimetro ang taas at umabot ang lawak ng traffic ng hanggang anim na kilometro.
Ang mga motoristang naaberya sa trapiko ay inabot ng anim na oras sa pagtahak sa NLEX.
Bubusisiin sa pagsisiyasat ang dahilan ng pagbaha matapos sabihin ng Metro Pacific Tollway Corporation na ang pagbaha ay sanhi ng pag-apaw ng Pampanga River.
Iginiit pa sa resolusyon na hindi dapat maliitin ang insidenteng ito dahil aabot sa 350,000 na daily average ng mga motorista ang naapektuhan ng pagbaha.
Samantala, nag-umpisa na ngayon umaga ang imbestigasyon ng Public Works Committee para silipin ang status ng flood control projects at master plan ng gobyerno laban sa pagbaha.