Pagbakante ni Rep. Zaldy Co bilang chairman ng House appropriations panel, ikinatuwa ng netizens

Tila ipinagbunyi ng mga netizens sa social media ang pagkatanggal ni Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co bilang Chairman ng House Committee on Appropriations.

Ito’y matapos ipinanukala ni Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos na gawing bakante ang pwesto ng appropriations committee chair, na inaprubahan din ni House Speaker Martin Romualdez.

Opisyal na tinanggalan si Co ng kanyang titulo bilang tagapangulo ng kumite sa muling pagbubukas ng mga sesyon Kongreso noong Lunes, January 13, 2025.


Nagbitiw din naman ng pahayag si Co noong Lunes at sinabing kusa niyang binakante ang kanyang posisyon para tutukan ang kalusugan, na tingin ng ilang mga netizen ay paraan lamang ng mambabatas upang isalba ang sarili sa kahihiyan matapos patalsikin sa pwesto.

Unang naging mainit sa paningin ng ilang mga personalidad si Co sa gitna ng taong 2024 dahil umano sa mga kuwestiyonableng pinaglalanan ng pondo para sa 2025 budget.

Itinanggi naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may kinalaman ang kasalukuyang administrasyon sa pagpapatalsik kay Co sa pwesto.

Sa mga unang buwan ng 2024, nagkasagutan rin si Co at si Senator Joel Villanueva, kung saan ipinaalala ng Senador ang umano’y kwestyunableng track record ng congressman dahil sa pagkaka dawit nito sa Pharmally scandal.

Facebook Comments