Nagpulong ngayong araw ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para talakayin ang guidelines para sa pagsasara ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa pagsapit ng katapusan ng taon.
Sa ambush interview kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Spokesperson Winston Casio, sinabi nitong naging sentro ng pagpupulong ang isyu sa immigration at mga mawawalan ng trabaho.
Kasama sa pulong ang mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP), Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Immigration (BI), Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kasunod nito, umaasa naman ang PAOCC na mareresolba na ang usapin kaugnay dito.
Ayon naman kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, malaking bagay ang pagsasagawa ng pulong ng Task Force on POGO upang maisaayos ang mga hakbang lalo na’t marami sa mga apektadong mga dayuhang empleyado ay may mga hawak na working visa.