
Iginiit ni Senator Imee Marcos na dapat pangunahan ng Department of Economic Planning and Development (DEPDev), na dating NEDA, ang pagbalangkas ng 2026 national budget.
Ayon kay Sen. Marcos, isa sa pangunahing may-akda ng DEPDev sa Senado, sa ilalim ng Republic Act 12145 na lumikha sa ahensiya ay binibigyan nito ng mas malakas na mandato ang tanggapan na patnubayan ang direksyong pang-ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mga data-driven policies, long-term planning at striktong oversight sa mga national projects.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat ay nasa sentro ng pagpaplano ng budget at paglalatag ng economic strategy ang DEPDev bilang lead agency sa kinabukasan ng ekonomiya ng bansa.
Ipinunto pa ni Sen. Marcos na ang tungkulin ng DEPDev ay higit pa sa pagtatakda ng macroeconomic parameters.
Kailangan aniyang nasa sentro ng budget process ang departamento at tumutulong sa pagbibigay ng alokasyon upang matugunan ang mga pangunahing prayoridad at long-term development goals ng bansa.









