Pagbalik ng 11 inmate na tumestigo sa kaso ni De Lima sa Bilibid, hindi suportado ng DOJ

Hindi suportado ng Department of Justice (DOJ) sa kautusan ng Muntinlupa RTC na ilipat ang 11 Persons Deprived of Liberty o PDLs pabalik ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City mula sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro.

Ang mga naturang inmate ay ang tumatayong testigo laban sa drug case ni dating Senador Leila Delima, na ngayon ay bumaliktad na sa kanilang mga salaysay.

Ayon sa DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano, maaari naman daw na magkaroon ng video hearing kahit nasa Sablayan Prison and Penal Farm ang mga ito.


Dagdag pa rito, tutol din ang DOJ sa paglilipat ng mga inmate dahil na rin sa jail decongestion program na itinutulak ng ahensya.

Wala rin daw sa hurisdiksyon ng korte na pangunahan ang Bureau of Corrections (BuCor) sa pangangasiwa o sa security arrangement ng mga inmate dahil bago pa ito naging witness ay convicted na ang mga ito sa heinous crime.

Pag-aaralan naman ng DOJ ang posibleng remedyo kasunod ng court order.

Sa ngayon ay posibleng hindi muna sila tatalima sa naturang kautusan habang pinag-aaralan ang kanilang legal remedy sa desisyon ng korte.

Facebook Comments