
Iginiit ni Presidential Son at House Majority Leader Representative Sandro Marcos na dapat umuwi na sa bansa si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co upang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Diin ni Marcos, masyado nang malala ang mga paratang laban kay Co at nakakaladkad na ang buong House of Representatives.
Hindi naman tiyak ni Marcos kung may kakayahan ang Kamara bilang institusyon na pauwiin si Co pero maari aniya itong ipagharap ng reklamo sa House Ethics Committee katulad ng sinapit ni dating Congressman Arnolfo Teves.
Si Co, na dating chairman ng House Appropriations Committee, ay inaakusahan na may kinalaman sa mga insertions sa 2025 National Budget at isinasangkot din sa maanumalyang flood control projects.
Sa pagtalakay naman sa 2026 proposed budget ng Department of Agriculture (DA) ay lumabas na nambabraso umano si Co noon para mabigyan ng fish import permit o allocation ang ilang mga kumpanya.
Sa ngayon ay nanatili sa Amerika si Co para sa kanyang “medical treatment.”









