*Cauayan City, Isabela- *Malaking tulong sa pwersa ng militar ang pagbabalik ng 45th Infantry Battalion, 5th ID, Philippine Army sa kanilang Mother Unit dito sa Lalawigan ng Isabela matapos ang halos isang dekada na pagkadestino sa Mindanao.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Major Jefferson Somera, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO), mas mapapangalagaan na ang seguridad ng mamamayan at matututukan na rin ang mga nasa makakaliwang grupo dahil sa pagbabalik ng halos 400 na miyembro ng nasabing batalyon.
Una ng lumapag noong sabado, Nov. 3, 2018 sa Tactical Operations Group (TOG) ang 75 tropa ng 45th IB lulan ang C130 plane na sinundan naman ng iba pang tropa sa mga sumunod na araw.
Ipinagdiwang naman noong Nobyembre 5, 2018 ang formal welcome ceremony para sa batalyon sa pangunguna ni Major General Perfecto Rimando Jr., Commanding General ng 5th ID, PA.
Naibalik narin umano sa pamunuaan ng 5th ID ang ilang mga gamit ng batalyon habang paparating naman ang iba pa nilang mga gamit na sasakyan at kanyon.
Ayon pa kay Somera, nakatakdang magsimula ngayong buwan ng Nobyembre ang 60 days na training at orientation ng naturang batalyon dahil sa magkaiba umanong konsepto ng operasyon ang kanilang nakasanayan sa bahagi ng Mindanao kumpara dito sa ating rehiyon.
Sa ngayon ay pinag -uusapan pa ng pamunuan ng 5th ID kung saan idedestino ang mga bumalik na sundalo.
Mensahe naman ni Major General Perfecto Rimando Jr. sa isinagawang welcome ceremony sa mga sundalo na pagbutihin at pagsikapan pa ang kanilang trabaho at panatilihin ang kanilang pagiging propesyonal.