Humiling ng pribadong pulong kay House Speaker Martin Romualdez si Atty. Ferdinand Topacio na abogado ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Ayon kay Romualdez, sa kanilang pag-uusap ay inilahad ni Atty. Topacio ang ilang concern ng kanyang kliyente.
Bilang tugon ay muling iginiit ni Romualdez kay Topacio na dapat bumalik na sa Pilipinas si Cong. Arnie Teves at mag-report sa kanyang trabaho.
Binanggit din ni Romualdez kay Topacio ang desisyon ng House Committee on Ethics na imbestigahan ang pagtanggi ni Teves na sundin ang direktang kautusan ng Liderato ng Kamara na umuwi na ito sa bansa matapos mapaso noong March 9 ang kanyang travel authority.
Sinabi ni Romualdez kay Topacio na agad niyang aaksyunan anuman ang magiging rekomendasyon ng House Committee on Ethics base sa isinasagawa nitong imbestigasyon.
Tiniyak din ni Romualdez na gagawin ng Kamara ang lahat upang maprotektahan si Teves sa oras na umuwi ito ng bansa.
Ipinaliwanag din ni Romualdez na hindi katanggap-tanggap na bilang mambabatas ay nagtungo sa abroad si Teves sa halip na gamitin nito ang lahat ng legal na remedyo kaugnay sa pagkakasangkot nito sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.