Pagbandera ng militar sa larawan ng napaslang na si Jevilyn Cullamat, paglabag umano sa IHL

Kinukundena ng Makabayan sa Kamara ang ginawang pagbandera ng 3rd Special Forces Battalion sa labi ni Jevilyn Cullamat, ang napatay na anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat.

Iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, na lantarang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) ang ginawa ng militar na pagpapakalat sa larawan ng labi ni Jevilyn na kunwaring may hawak na armas at ang pag-pose ng mga sundalo sa tabi ng labi.

Sabi ni Zarate, hindi lang ito paglapastangan sa labi kundi paggamit din bilang tropeo para sa kanilang propaganda.


Umalma ang Makabayan at agad hiniling ang pagtanggal ng naturang mga larawan sa lahat ng websites ng gobyerno at panagutin ang mga responsable sa pagpapakalat ng mga ito.

Naniniwala ang mga militanteng kongresista na gagamitin na naman ng AFP ang insidenteng ito para sa red-tagging sa kanilang grupo na wala naman umanong basehan at hindi mapatunayan maging sa mga pagdinig kabilang na sa Senado.

Nauna namang itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyon at nilinaw na ang larawan ay para sa reporting at documentation purposes na nirerequire sa bawat engkwentrong nagaganap.

Facebook Comments