“Very serious marine casualty”
Ganito itinuring ng Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority (Marina) ang nangyaring Recto Bank incident noong June 9.
Taliwas ito sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na “little maritime incident” lang ang pagbangga ng Chinese Vessel sa bangkang pangisda ng 22 mangingisdang Pinoy.
Sa 13-pahinang joint investigation report ng PCG at Marina lumabas na bigo ang barko ng China na gumawa ng paraan para maiwasang tamaan at palubugin ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino na naka-angkla sa Recto Bank.
Binanggit din sa report ang kabiguan ng Chinese Vessel na tulungan ang 22 mangingisda na inabandona pa sa gitna ng karagatan.
Ayon pa sa pcg-marina report, sa pamamagitan ng pag-atras at pagtigil 50 metro ang layo mula sa gem-ver 1 na noon ay may mga nakasinding ilaw, makukunsidera na alam ng barko ng china na nasa peligro ang bangka ng mga pinoy.
At dahil sa kabiguang tumulong, nilabag ng barko ng china ang regulasyon ng United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) at International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS).
Pero nakasaad din sa report na may mga pagkakamali rin ang bangka ng Pilipinas.
Kabilang dito ang kabiguang magkaroon ng look-out, hindi lisensyadong Chief Engineer Officer, Overaloading, expired BFAR Commercial Fishing Vessel/Gear License at expired BFAR Certificate of Clearance.
Hindi naman malinaw na tinukoy sa imbestigasyon kung sinadya o hindi ang pagbangga ng Chinese Vessel sa bangka ng mga pinoy.