“Isang malubhang sakunang pandagat”
Ganito ang lumabas sa resulta ng imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa nangyaring pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng 22 mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.
Base sa report, malinaw ang visibility noon at kalmado ang dagat.
May ilaw ang bangka ng mga Pilipino na naka-angkla sa Recto Bank na makikita ng ibang barko na pitong milya ang layo.
Ayon sa kusinero ng F/B Gem-Ver 1, nakita na niya ang barko ng China, ilang minuto bago sila banggain.
Ginising niya ang lahat ng kanyang kasama pero kapos na sa oras para makalundag sa dagat.
Nakasaad sa report na hindi sumunod sa patakaran ang China dahil tungkulin nitong iwasan ang mga barkong naka-angkla dahil sila ang may kakayahang magmaniubra.
Lumabas din na pagkatapos banggain ang F/B Gem-Ver ay inilawan sila ng barko ng China pero agad itong pinatay at naglayag papalayo na walang inialok na tulong.
Labag ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Safety of Life and Sea.
May nakita ring pagkukulang sa panig ng mga Pilipino, kulang ang kanilang papeles, hindi lisensyado ang makinista at overloaded ang F/B Gem-Ver kung saan hanggang 18 tao lang ang pwede.
Nakasaad sa patakarang pandagat ay dapat palaging mayroong lookout.
Sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo – hindi naman nagkaiba ang sinabi ng Pangulo sa resulta ng imbestigasyon.