Iginiit ni Senator Francis Tolentino na maimbestigahan ng mga international treaty at organization ang sadyang pagbangga ng China Coast Guard (CCG) at Chinese militia vessel sa barko ng ating mga sundalo at coast guard habang nasa gitna ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal.
Umaapela si Tolentino na ang naturang insidente ay dapat na masusing maimbestigahan ng International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS) at ang Code for Investigation of Marine Casualties and Incidents ng International Maritime Organization.
Sinabi ni Tolentino, Chairman ng Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones, na malinaw na ang pinakahuling insidente ng pagbangga ng CCG at Chinese militia vessels sa ating mga barko ay nagpapatunay na patuloy na pagbabalewala ng China sa mga panuntunan ng International Law at basic maritime safety.
Binigyang-diin naman ni Senator Risa Hontiveros na ang PCG ay mayroong karapatan na manatili sa West Philippine Sea at wala aniyang karapatan ang China na itaboy, saktan at banggain ating mga tropa na nasa karagatan.
Nanawagan din si Hontiveros sa international community na makiisa sa Pilipinas sa pagkundena sa panibagong karahasan na ginawa ng China.