Pagbangon ng ating ekonomiya mula sa COVID-19 crisis, maaaring abutin ng 2 hanggang 3 taon

Sa pagtaya ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, maaring abutin ng dalawa hanggang tatlong taon bago tuluyang makabangon ang ating ekonomiya mula sa dinaranas ngayong krisis dulot ng COVID-19.

Reaksyon ito ni Recto sa pahayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno na sa susunod na anim na buwan ay hihina ang ating ekonomiya pero makakabawi sa huling bahagi ng taon at tuluyang aangat sa susunod na taon.

Ayon kay Recto, walang duda na kaya nating labanan ang virus.


Pero sabi ni Recto, dapat nating paghandaan ang matinding recession o depression dahil maaring bumalik ang kumpyansa sa ating ekonomiya kapag mayroon ng bakuna at gamot laban sa COVID-19.

Inaasahan ni Recto na tatagal ng dalawang taon ang problemang dulot ng pandemic.

Kaya giit ni Recto, dapat maihanda ang mga ospital gayundin ang ayuda sa mga manggagawa, at ang pautang sa mga maliliit na negosyante.

Mungkahi ni Recto, paghusayin ang pagbubukas ng ekonomiya sa pamamagitan ng pamumuhunan sa mga lugar o sektor kung saan lumalago at masigla ang pagne-negosyo.

Ayon kay Recto, ito ay upang makabalik na sa trabaho ang mamamayan para matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Facebook Comments