Pinuri ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera ang mabilis na paglagda ni Pangulong Fedinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa ₱5.268 trillion 2023 national budget.
Tiwala si Herrera na dahil dito ay mapapabilis ang pagbangon ng ating ekonomiya mula sa epekto ng COVID-19 pandemic at giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Nakalulugod para kay Herrera na ang Marcos administration ay nakatutok nang mabuti sa epekto ng patuloy pagtaas ng mga bilihin at serbisyo habang tinitiyak na mapopondohan nang sapat ang mga mahalagang proyektong pang-imprastraktura at mga socio-economic program.
Kasabay nito ay pinasalamatan at pinuri din ni Herrera ang mga kongresista at senador na miyembro ng Bicameral Conference Committee na matagumpay na naplantsa kaagad ang pagkakaiba sa bersyon ng Senado at Kamara ng panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.