
Mariing tinutulan ng Malacañang ang ilang ulat na itinuturing na “training hotspot” ang Pilipinas ng mga teroristang Islamic State (ISIS).
Kasunod ito ng pagkumpirma ng Bureau of Immigration na nanatili muna sa bansa ng halos isang buwan ang mag-amang suspek sa mass shooting sa Bondi Beach sa Sydney, Australia bago gawin ang pamamaril.
Sa press briefing sa Palasyo, iginiit ni Undersecretary Claire Castro na mismong ang National Security Council ang nagsabing walang kumpirmasyon ang mga alegasyon na sa bansa nagsanay ang mga salarin.
Ayon kay Castro, misleading ang mga ulat na nagbabansag sa Pilipinas bilang ISIS hotspot at patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad sa international partners para beripikahin ang mga impormasyon.
Ipinunto rin ng Palasyo ang pahayag ng NSC na pinahina na ng ating militar ang mga grupong may kaugnayan sa ISIS mula noong mangyari ang 2017 Marawi Siege.
Nananatili rin anilang malinaw ang direktiba ng Pangulong Marcos Jr. sa Anti-Terrorism Council at iba pang ahensiya na manatiling nakaalerto upang mapigilan ang anumang banta ng terorismo sa ating teritoryo.









