Pagbaril sa dating guardia na nanghostage noong Lunes huling opsyon ng NCRPO

Hindi umano magdadalawang isip ang mga pulis na barilin ang dating guardia na nang-hostage sa mga empleyado ng Vira Mall noong Lunes.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Dibold Sinas, ang pagbaril kay Alchie Paray ang huling opsyon nila sakaling hindi magtagumpay ang ginawang negosasyon.

Ngunit kinailangan umano nilang ibigay ang lahat ng demand ng hostage taker upang mapahupa ito at matapos ang hostage crisis ng walang namatay sa kanyang mga hostages.


Alam din umano ng mga pulis na mayroong baril ang suspek habang ito ay nagsasalita kagabi sa harap ng Media at naka-antabay naman lahat ng mga nakasibilyang pulis, SWAT at sniper upang gawin ang anumang pag-atake.

Aminado si General Sinas na lubhang mapanganib ang sitwasyon matapos nilang bigyang daan ang pagsasalita ng suspek sa harap ng Media habang nakasukbit ang baril nito sa kanang baywang.

Ngunit dahil nakuha nila ang atensyon ng hostage taker habang ito ay nagsasalita sa harap ng media ay doon nakakuha ng magandang pagkakataon ang mga pulis para siya ay dambahin hanggang sa siya ay maidapa at naposasan ng mga pulis.

Facebook Comments