
Hustisya ang sigaw ng mga may-ari ng isang pusa na si “Panther” na binaril gamit ang marble gun sa Kitaotao, Bukidnon.
Ayon sa post ng Davao Emergency Veterinary Hospital, agad na isinailalim sa operasyon si Panther matapos itong dalhin ng kanyang mga amo sa ospital na nasa kritikal na kondisyon na dahil sa tama ng bala sa ulo.
Sa kabutihang palad, ligtas na ngayon si Panther at patuloy na itong nagpapagaling.
Mariin namang kinondena ng klinika ang pagbaril sa naturang pusa at malinaw daw itong kaso ng ‘animal cruelty’.
Anila, walang hayop ang dapat makaranas ng ganitong kalupitan dahil lang hindi sila makapagsalita at hindi rin nila kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Nanawagan din ang klinika na papanagutin ang suspek sa kanyang ginawa at tiniyak na ipaglalaban nila ang hustisya para kay Panther.
Batay sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act, ang ‘animal cruelty’ ay isang krimen at sinumang lalabag dito ay maaaring makulong ng anim (6) na buwan hanggang dalawang (2) taon at pagmumultahin mula ₱1,000 hanggang ₱5,000, depende sa magiging desisyon ng korte.









