Inirerespeto ng Palasyo ng Malakanyang ang ginawang pagbasura ng Commission on Elections o COMELEC 2nd Division sa petisyon para kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni dating Senador Bongbong Marcos sa pagkapangulo.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, ang COMELEC ay isang independent constitutional body kaya’t ipinauubaya na nila sa Komisyon ang pagdedesisyon hinggil sa naturang usapin.
Una nang sinabi ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na maaari pang iapela ang desisyon sa COMELEC En Banc, o sa pamamagitan ng Petition for Certiorari sa Supreme Court.
Nag-ugat ang kaso makaraang maghain ng petisyon ang anti-Marcos activists dahil naniniwala silang hindi karapat-dapat tumakbo si Marcos sa alinmang public office dahil sa kaniyang tax evasion conviction noong 1995.
Nabatid na hiwalay pa ang nasabing desisyon ng 2nd Division sa 1st Division ng COMELEC kung saan mayroon din dinidinig na petisyon kontra kay Marcos.