Manila, Philippines – Ikinalungkot ni Senator Francis Kiko Pangilinan ang pagbasura ng Commission on Elections o Comelec sa kahilingan ng ‘Otso Diretso’ na magkaroon ng debate sa pagitan ng mga kandidato sa pagkasenador.
Diin ni Pangilinan, sana ay pinagbigyan ng Comelec ang hiling na debate dahil malaki ang maitutulong nito para mabigyan ang mga botante ng impormasyon patungkol sa mga kandidato.
Ipinunto ni Pangilinan, dahil sa hakbang ng Comelec ay magbabase na lang ang mga botante sa napakamahal na mga political advertisement sa loob ng dalawang buwan pang nalalabi sa panahon ng kampanya.
Ikinatwiran ni Pangilinan, kaunting impormasyon lamang patungkol sa kwalipikasyon ng mga kandidato ang makukuha ng mga botante sa mga political advertisement na karamihan ay sa telebisyon at nagpapakita ng pag-aangat ng mga kandidato sa kanilang sarili.