Pagbasura ng ICC Appeals Chamber sa hirit na pansamantalang kalayaan ni FPRRD, inaasahan na ng isang lider ng minorya sa kamara

Inasahan na ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila De Lima na ibabasura ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang hiling na pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Diin ni De Lima, sa simula pa lang ay malabo nang magtagumpay ang apela ni Duterte lalo’t ang mga pahayag nito at ng kanyang mga supporters sa media ang mismong ginamit ng ICC Pre-Trial Chamber sa pag-deny sa hirit na interim release na sinang-ayunan ng Appeals Chamber.

Bunsod nito ay pinayuhan ni De Lima ang mga anak ni FPRRD at mga supporters na maghinay-hinay muna.

Inihalimbawa ni De Lima si Davao City Acting Mayor Baste Duterte na kamakailan ay nagdeklara na maglilista na naman sila ng drug addicts para sa panibagong war on drugs sa lungsod.

Sabi ni De Lima, ang mga ganitong deklarasyon ay hindi nakakatulong sa kanilang ama.

Pero ayon kay De Lima, alam naman natin na kahit kailan ay hindi naghinay-hinay ang isang Duterte dahil special sila kaya kahit nakakulong na ang ama ay patuloy pa rin ang kanilang impunity o pagtakas sa parusa ng batas.

Facebook Comments