
Nirerespeto ng Malacañang ang naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber na muling tanggihan ang kahilingan para sa pansamantalang pagpapalaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw na nakapagdesisyon na ang ICC at wala na itong dapat pang idagdag na komento.
Nauna nang iginiit ng Palasyo na wala na silang hurisdiksyon sa anumang magiging proseso ng ICC kaugnay sa kaso ng dating Pangulo.
Noong Biyernes, hindi pinagbigyan ng Appeals Chamber ang apela para sa interim release ni Duterte, matapos din itong mabigo sa unang desisyon ng Pre-Trial Chamber I noong Setyembre 26.
Si Duterte ay halos siyam na buwan nang nakakulong sa The Hague kaugnay ng kaso niyang crimes against humanity na nag-ugat sa kontrobersyal na kampanya laban sa ilegal na droga noong siya ay nakaupo bilang pangulo.









