Thursday, February 5, 2026

Pagbasura ng Kamara sa impeachment case ni PBBM, hindi kinontrol ng Pangulo — Malacañang

Mariing itinanggi ng Malacañang ang mga alegasyong ginamit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang impluwensya kaya nabasura ang dalawang impeachment complaint laban sa kanya sa Kamara.

Ito’y matapos ideklarang “insufficient in substance” ng House Committee on Justice ang impeachment complaint nina Atty. Andre de Jesus at Makabayan.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, hindi totoo na naging pabor sa Pangulo ang dami ng kanyang kaalyado sa Mababang Kapulungan.

Kahit ang mga mambabatas aniya na hindi kaalyado ng Pangulo ay sang-ayon na walang sapat na batayan ang mga reklamo.

Dagdag pa ni Castro, ilang constitutionalist at law experts din ang naniniwalang mahina ang mga naturang impeachment complaint.

Samantala, sinabi naman ni Castro na hindi napanood ni Pangulong Marcos ang deliberasyon ng House Committee, dahil may dinaluhan siyang dalawang pribadong aktibidad, pero natuwa aniya ang presidente dahil nasunod ang proseso ng Kamara.

Facebook Comments