Isang malaking tagumpay para sa Department of Justice (DOJ) ang ginawang pagbasura ng Pasig City Regional Trial Court sa hirit ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makapaglagak ng piyansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOJ Undersecretary Margarita Gutierrez na dahil dito ay mananatiling nakakulong si Guo.
Nag-ugat ito sa kasong qualified human trafficking laban kay Guo na sinasabing may kinalaman sa illegal POGO operation sa Bamban.
Binigyang-diin aniya ng korte na malakas ang ebidensiya ng prosekusyon laban kay Guo kaya’t patuloy ang pagkakapiit ng dating alkalde sa Pasig City Jail Female Dormitory.
Welcome din ang desisyon ng korte sa DOJ at tagumpay itong maituturing sa layunin ng kagawaran na maghatid ng makatarungang hustisya.
Ipinakikita rin nito ang masinsinang pagtutulungan ng mga prosecutor at awtoridad na nagresulta sa isang matibay na kaso.