Maituturing umanong “vindication” para sa mga mamamayan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang pagbasura ng Presidential Electoral Tribunal (PET) sa electoral protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman, ang tagumpay ni VP Robredo ay tagumpay rin ng mga residente sa Mindanao matapos na akusahan ng kampo ni Marcos na nagkaroon ng iregularidad ang halalan sa mga lugar na sakop noon ng ARMM na ngayon ay BARMM na.
Ikinalulugod ni Hataman na ngayon ay tinuldukan na ng Korte Suprema, na siyang tumayong PET, ang bintang na nagkaroon ng dayaan sa resulta ng eleksyon sa mga probinsya sa Mindanao.
Aminado ang mambabatas na naging masakit para sa kanila ang matagal na pagdududa sa resulta ng halalan, ngunit natutuwa naman sila na sa wakas ay lumabas din ang katotohanan.
Matatandaang gusto ng kampo ni Marcos na ipawalang-bisa ang mga boto noong 2016 election para sa Vice President, partikular sa Lanao del Sur, Maguindanao at sa Basilan.