Pagbasura ng Supreme Court sa mga kaso laban kay Marcos, hindi na ikinagulat ng ilang kongresista

Hindi na ikinagulat ng Makabayan sa Kamara ang pagbasura ng Korte Suprema sa mga kaso na nagdidiskwalipika kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Assistant Minority Leader France Castro, hindi na sila nasorpresa sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman dahil mismong si Chief Justice Alexander Gesmundo ay tinanggap ang hiling ni Marcos na siya ang mag-administer sa panunumpa nito sa inagurasyon sa Huwebes.

Umaasa na lamang ang kinatawan ng ACT-Teachers Party-list na maninindigan ang Korte Suprema sa independence nito at kakatig sa mga isyu at mga kaso na may kinalaman sa karapatang pantao, kapakanan ng consumers at soberenya ng bansa.


Dalawang araw bago ang inagurasyon ni Marcos ay inilabas ng Korte Suprema ang desisyon na nagbabasura sa mga petisyon ng diskwalipikasyon at kanselasyon ng Certificate of Candidacy o COCs upang hindi maupong pangulo si Marcos.

Ang nasabing desisyon ng Korte Suprema ay nagpapatibay sa unang desisyon ng Commission on Elections o COMELEC na nagbasura din sa disqualification cases laban kay Marcos.

Facebook Comments