Naniniwala ang Integrated Bar of the Philippines na dapat nagkaroon muna ng pag-uusap sa pagitan ng University of the Philippines (UP) at Department of National Defense bago tuluyang ibasura ang kanilang kasunduan.
Kaugnay pa rin ito sa UP-DND accord kung saan hindi pinapayagang makapasok ang mga pulis at militar nang walang koordinasyon sa pamunuan ng unibersidad.
Para kay IBP President Domingo Cayosa, tama ang naging pahayag ni UP President Danilo Concepcion na dapat nag-usap muna ang dalawang institusyon para malaman ang mga problema at maayos kung kinakailangan.
Kasunod nito, nilinaw naman ni Cayosa na kahit wala na ang nasabing kasunduan ay hindi pa rin basta-basta makakapasok ang mga pulis o militar kahit na may mga makumpirmang miyembro ng New Peoples Army.
Paliwanag ng IBP President, may sariling pulis ang loob ng U.P at kakailanganin pa rin ang search warrant na magmumula sa korte bago mapasok ang unibersidad.
Pagdating naman sa pagbasura ng UP-DND accord, nakasaad aniya sa probisyon na depende sa sitwasyon kung maaaring i-terminate na ang kasunduan.