Nagpaliwanag ang Malacañang sa pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Philippine National Police (PNP) Reform bill o panukalang batas na magpapahintulot sana sa pagbabago sa sweldo ng mga pulis.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, sumailalim sa maingat na konsiderasyon ng pangulo ang pagbasura sa panukala para matiyak na anumang pagbabago sa police force ng bansa ay patas, malinaw, at makatutulong sa lahat.
Hindi rin aniya malinaw ang ilang probisyon sa panukalang batas tulad ng retroactive benefits sa mga pulis na maaaring magdulot ng kalituhan.
Dagdag pa ni Bersamin, naniniwala ang pangulo na dapat mapanatiling patas at pantay ang sweldo ng mga miyembro ng PNP.
Bukod dito, nakapaloob kasi sa batas ang pagbuo ng bagong mga tanggapan sa loob ng PNP, na posible aniyang maging sanhi ng hindi naman kinakailangan ng tanggapan o pagka-ulit ng mga trabaho.
Sabi ng Palasyo, taliwas daw ito sa isinusulong na streamlining ng administration sa government services.
Posibleng makaapekto din ang panukala sa Internal Affairs Service (IAS), na responsable sa pagi-imbestiga ng police misconduct, dahil dapat ay nanatili itong independent at impartial.
Tiniyak naman ng Malacañang ang patuloy na suporta sa PNP, at siguruhin na ang mga ipatutupad na reporma sa hanay nito ay patas at epektibo.