Pagbasura sa election protest ni dating Sen. Bongbong Marcos, welcome sa opposition senators

Ikinalugod ng opposition senators ang pagbasura ng Korte Suprema, bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), sa electoral protest ng natalong Vice Presidential candidate na si dating Senator Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Diin ni Senator Francis Pangilinan, pangulo ng Liberal Party, ang desisyon ng PET ay patunay sa kanilang posisyon noon pa man na walang basehan ang mga alegasyon ng dayaan at protesta sa resulta ng Vice Presidential Elections.

Sana lang, ayon kay Pangilinan, ay mas maaga itong naresolba dahil halos apat na taon ding dininig ng PET ang electoral protest ni Marcos.


Mabuti naman para kay Senator Risa Hontiveros at natuldukan na ang isyu.

Sabi ni Hontiveros, mainam na irespeto ang desisyon ng PET dahil ginawa nila ang kanilang mandato nang walang pagkiling at ayon sa ebidensyang inihain sa kanila.

Nakakatiyak naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon na bukod sa kanya ay masaya rin sa desisyon ang 14 milyong Pilipino na bumoto kay Robredo.

Nanawagan din si Drilon sa lahat ng partido na irespeto ang desisyon upang masimulan na ang healing process at makatuon na sa kinakaharap natin ngayong COVID-19 pandemic.

Facebook Comments