Matapos maipasa kagabi sa ikatlo at huling pagbasa, nanawagan ang MAKABAYAN sa Kamara na ibasura ang panukalang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa mga mag-aaral sa Grades 11 at 12.
Giit dito nila ACT TEACHERS Rep. Antonio Tinio at France Castro, dapat ipaalala sa Pangulo kung bakit inabolish noon ang ROTC sa mga paaralan sa bansa.
Anila, maraming ulat ng hazing at pangaabuso sa mga kababaihan sa pagsasanay umano sa ROTC.
Nababahala ang mga kongresista na mas lalong lumala ang karahasan sa ROTC ngayong sa Grades 11 at 12 ito balak ipatupad.
Tiyak umanong makalalabag ang gobyerno sa international rights ng mga kabataan at sa ilalim ng RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Naniniwala ang mga ito na hindi matibay na paraan ang ROTC para maging makabayan ang mga kabataan sa halip ay magiging daan lamang ito sa pagsupil sa karapatan at pag-target sa mga kritiko ng administrasyon.