Pagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN, ikinadismaya ng liderato ng Senate Minority Bloc

Labis ang kalungkutan at pagkadismaya ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pagbasura ng House Committee on Legislative Franchises sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa franchise renewal.

Ayon kay Drilon, sinariwa nito ang madilim na bahagi sa kasaysayan ng pamamahayag sa bansa na nangyari noong 1972.

Sa pagsubaybay sa serye ng pagdinig sa Kamara ay nakita ni Drilon na ang tanging pagkakamali lang ng ABS-CBN ay ang pagkanti sa ilang makapangyarihan sa pulitika.


Dahil dito ay nangyari ang tila pagtagpas ng isang espada sa buong kalayaan ng mamamahayag na gawin ang kanilang trabaho ng walang kinakatakutan.

Sinabi ni Drilon na ipinapakita ng sitwasyon ang paghina ng demokrasya na tila ba nagbibigay pagkakataon sa ehekutibo at mga mambabatas na magwasiwas ng espada basta gustuhin nila at aayon sa kanilang kapritso.

Tiwala si Drilon na bilang isang institusyon ay makaka-survive ang ABS-CBN pero kanyang inaalala ang 11,000 empleyado nito na mawawalan ng trabaho sa harap ng pandemya.

Facebook Comments