Sa gitna ng matinding epekto ng El Niño sa mga magsasaka ay hiniling ni House Assistant Minority Leader and Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang agarang pagbasura sa Rice Liberalization Law.
Kaakibat nito ay iminungkahi rin ni Brosas kay Pangulong Marcos na bigyan ng ₱15,000 na production subsidy ang mga magsasaka.
Ayon kay Brosas, malaki na ang pinsalang idinulot sa sektor ng agrikultura ng limang taong implementasyon ng Rice Liberalization Law dahil sa walang tigil na importasyon ng bigas.
Diin ni Brosas, umaabot na rin sa ₱150 million ang pinsala sa agrikultura ng El Niño pero nakakadismaya na sa halip magbigay ng sapat na sabsidiya para sa produksyon ay pinalala pa ng administrasyon ang importasyon.
Kaugnay nito ay hiniling din ni Brosas na ipasa na sa lalong madaling panahon ang House Bill 405 o panukalang Rice Industry Development Act na inihain ng Makabayan Bloc na maglalatag ng reporma sa rice industry.