Pagbasura sa Rice Liberalization Law, Iprinotesta Online ng ilang Grupo

Cauayan City, Isabela- Nagsagawa ng online protest ang ilang progresibong grupo para sa hiling na pagbasura sa RA 11203 o ‘Rice Liberalization Law’ na nagpapahirap umano sa mga magsasaka dahil sa labis na pagbaba ng presyo ng mga palay at mais.

Batay sa social media post ng Kagimungan Kmp Cagayan, umabot umano sa P85-B ang nawalang kita ng mga magsasaka sa bansa, isang patunay na marami ang magugutom sa tindi ng bagsak presyo ng mga naturang pananim.

Sumirit rin umano sa P8-10 ang presyo kada kilo ng palay at mais habang tumaas naman ang presyo ng baboy, gulay, isda at bigas sa merkado gayundin ang ilan pang pangunahing bilihin.


Dahil dito, pinangunahan ng nasabing grupo ang ‘Kalampag Kontra Kagutuman Online Rally sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bukod dito, kinalampag rin ng grupo na maibigay na sana ang P15,000 production subsidy sa mga magsasaka.

Matatandaang naisabatas ang RA 11203 noong Pebrero 2019 ng lagdaan ito ni Pangulong Duterte.

Samantala, pahirap din umano sa mga mamamayan ang pagsasabatas sa ‘Anti-Terror Law’ dahil mawawalan umano ng karapatan ang karamihan dahil sa naturang batas.

Facebook Comments