Iminungkahi ng Department of Health o DOH kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dapat pagbasehan pa rin niya ang mga scientific data bago alisin o tapusin na ang pagsasailalim sa Pilipinas sa ‘state of public health emergency’ dahil sa COVID-19.
Ito ay kasunod ng ilang panawagan na mabuting alisin na ang ‘state of public health emergency’ upang maibalik ang tiwala ng publiko at mas mapadali ang pagbangon ng ekonomiya.
Ang mga naturang mungkahi ay matapos isailalim ng Centers for Disease Control and Prevention o CDCP ang bansa sa lowest travel-risk classification.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III, nananatiling hamon pa rin sa bansa ang laban natin kontra COVID-19 kaya dapat pag-aralan ng susunod na pangulo ang magiging desisyon nito hinggil sa panawagan.
Matindi aniya ang laban sa naturang sakit dahil hindi ito nakikita at mabilis kumalat at makahawa.
Matatandaaan na ang state of calamity declaration sa bansa ay dalawang beses nang pinalawig at nakatakdang magtapos sa Setyembre.
Samantala, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Butch Ong na ang mababang rate ng mga isinasailalim sa testing ang dahilan kaya mababa rin ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Karamihan kasi aniya sa mga nagkakasakit ay mayroong ng mild symptoms ng COVID-19.