Pagbawas sa taripa ng buwis sa bigas, suportado ng mga negosyante

 

Ipinabatid ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) na handa silang suportahan ang itinutulak na panukalang bawasan ang taripa ng buwis sa bigas.

Ayon sa pangulo ng FFCCCII na si Dr. Cecilio K. Pedro, malaki ang maitutulong nito upang maibaba ang kasalukuyang 35% sa mga imported na bigas; pati na rin aniya ang inflation rate ng bansa upang maisulong ang economic stability ng mga Filipino consumer.

Handa raw ang kanilang hanay na magpaabot ng tulong sa pamahalaan at mga magsasaka na makapagpundar ng mga makabagong teknolohiya sa pagtatanim upang masiguro ang food security ng buong bansa.


Nauna nang ibinahagi ni Finance Sec. Ralph Recto na aabot ng hanggang P5 ang mababawas sa kada kilo ng bigas kung bababaan ang taripa sa buwis.

Hangad umano ng Department of Finance (DOF) na masiguro ang abot kayang halaga ng presyo ng pangunahing pagkain para sa bawat Pilipino.

Facebook Comments