Iginiit ni Committee on Basic Education, Culture and Arts Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Education o DepEd na pag-aralan ang mga hiling na bawasan ang teaching hours ng mga guro.
Sa pagdinig ng Komite ni Gatchalian ay inihirit ni Quezon City Public School Teachers Association President Krishtean Navales na kailangang iksian ang kanilang teaching hours dahil mabigat ang kanilang trabaho ngayong may pandemya at wala rin silang honorarium at overtime pay.
Katwiran naman ni Fidel Fababier na Chairman ng grupong Action and Solidarity for Empowerment of Teachers, nakapaloob sa Magna Carta for Public School Teachers na dapat ay 4 na oras lang ang pagtuturo nila at 2 oras ay sa non-teaching pero classroom-related work tulad ng paghahanda ng teaching materials.
Pero hindi raw ito nangyayari dahil sinusunod ng DepEd ang interpretasyon ng Civil Service Commission na lahat ng empleyado ng gobyerno ay dapat magtrabaho ng walong oras.
Sabi naman ni Gatchalian, ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na teaching hours na umaabot sa 1,218 hours sa loob ng isang taon o anim na oras kada araw habang sa ibang bansa ay 706 hours lang o apat na oras sa bawat araw.
Marami rin daw extrang gawain ang mga guro sa Pilipinas tulad ng pagtulong sa pagbabakuna sa mga bata, community mapping, deworming, population census at pangangasiwa sa eleksyon.
Mungkahi ni Gatchalian, mag-hire ang DepEd ng non-teaching personnel na gagawa ng mga administrative works na tinatrabaho rin ng mga guro.