Manila, Philippines – Ipapatawag sa Kamara ang National Police Commission o NAPOLCOM kasunod ng desisyon na bawian ng kapangyarihan sa lokal na pulisya ang 7 gobernador ng Mindanao at 130 Alkalde.
Ang mga ito ay sa lalawigan ng Maguindanao, Lanao Sur, Lanao Norte, Sultan Kudarat, Sulu, Basilan, Tawi-tawi at Cotabato City.
Nababahala si Sulu Rep. Abdulmunir Arbison sa rason ng Napolcom sa pagbawi ng deputation dahil posibleng maka-apekto ito sa kampanya ng administrasyong Duterte sa kapayapaan at kaayusan sa bansa lalo na sa Mindanao.
Mahalagang maaksyunan aniya ito para hindi na malagay sa alanganin ang buhay at masayang ang mga pagsasakripisyo ng mga sundao at pulis na nasa Marawi.
Naging batayan ng Napolcom ang pagalis ng deputation sa mga lokal na opisyal sa Mindanao sa pagkakasangkot ng mga ito sa illegal drugs, sa local terrorists, lalo na sa Abu Sayyaf Group (ASG).
Nauna dito ay naghain din si Lanao del Norte Rep. Khalid Mohammad Dimaporo para paimbestigahan ang nasabing memo ng NAPOLCOM.
Sa tingin ng kongresista, tinatraydor ng NAPOLCOM ang mga kaalyadong lokal na pamahalaan lalo pa at walang basehan ang sabihin na wala silang ginawa para sawatain ang terorismo.