Ikinatuwa ng palasyo ng Malacañang ang naging desisyon ng kamara na bawiin na ang kanilang bersiyon ng proposed 2019 national budget na una nang sinita ng mga Senador.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, isang magandang hakbang ito ng Kamara para matapos na ang issue sa budget at maipadala na ito sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapag-aralan at tuluyan nang maisabatas.
Sinabi ni Panelo na dahil sa ginawa ng kamara ay mawawala ang mga agam-agam tungkol sa legalidad ng national budget.
Umaasa din naman si Panelo na matapos ang issue ay natutunan na ng Kongreso ang aral na dapat ay unahin ang kapakanan ng sambayanan at hindi ang personal na interes ng iilan.
Matatandaan na kaninang umaga ay kinumpirma ni Senador Panfilo Lacson na binawi na ng kamara ang kanilang bersyon ng budget na ginalaw ng mga ito kahit tapos na ang ratipikasyon ng nasabing panukala.