Inirerespeto ng mga ekonomista ang pananaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag munang payagang lumabas ang mga batang edad 10 hanggang 14.
Matatandaang binawi ng Pangulo ang naunang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan nang makalabas ang mga nasa edad 10 hanggang 65 para muling buhayin ang ekonomiya.
Ayon sa financial analyst na si Professor Astro Del Castillo, bagama’t mas gusto ng mga negosyante na tuluyan nang buksan ang ekonomiya, nauunawaan nila na dapat pa rin ikonsidera ang kalusugan lalo ngayon na may banta ng bagong variant ng COVID-19.
“Kailangan talaga balansehin ang ekonomiya at kalusugan pero syempre ang bias namin sa business ay sana mas magbukas. Pero syempre mas nirerespeto natin ang pananaw ng health experts pati ng ating Presidente,” saad ni Del Castillo sa panayam ng RMN Manila.
“Siguro what’s another two weeks or three weeks or even a month of waiting before we really allow more sectors allow the children to participate,” dagdag pa niya.
Samantala, bagama’t dahan-dahan nang nakakabawi, tingin ni Del Castillo, mananatiling “negative growth” ang ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon.
Nitong nakaraang taon nang makapagtala ng double-digit negative drop o halos -17% na pagbaba ang ekonomiya ng bansa dahil sa epekto ng pandemya.
Aniya, maganda na tuloy-tuloy ang paggasta ng gobyerno para mas madaming umikot na pera.
Malaking tulong din aniya sa unti-unting pagbangon ng ekonomiya ang OFW remittances.
“Basically coming from the worst situation which is -16 plus, e medyo unti-unti namang naka-recover though negative growth pa rin talaga…Well, very important ang government spending, so tama lang ‘yong infrastructure focus ng government and also ‘yong iba pa niyang priorities sa health sectors, education ‘no,” ani Del Castillo.
Bukas, nakatakdang ilabas ang resulta ng Growth Domestic Product (GDP) ng bansa para sa ikaapat na quarter ng 2020.